Ipatatawag ng National Bureau of Investigation (NBI) ang apat na abogadong sangkot umano sa ‘honeytrap’ o planong pag-frame up kay Executive Secretary Ralph Rceto para humarap sa ahensiya sa Agosto 14.

Hindi naman na pinangalanan ni NBI Director Melvin Matibag ang apat na abogado subalit sinabi niyang mula ang mga ito sa parehong law firm sa Ortigas Center.

Ayon sa NBI chief, ang mga abogado ang naghanda ng affidavits para sa umano’y naturang scheme.

--Ads--

Sinabi pa ni Matibag na malalaking personalidad ang kliyente ng apat na abogado. Dagdag pa niya, ang dalawang abogado ay kilala na at senior partners habang ang dalawang iba pa ay mga baguhang abogado pa lamang.

Nauna na ring inisyuhan ng NBI ng subpoena sina dating congressman Jing Paras at congressman Leandro Leviste na nasa likod umano ng destabilization plot kay Recto.

Maaalala ilang indibidwal ang nasagip ng NBI sa ikinasang entrapment operation. Ilang biktima ang nagbunyag na inalok umano sila ni Paras na babayaran sila para gumawa ng kwento at lumagda sa isang affidavit kapalit ng pera.

Subalit kapwa naman itinanggi nina Leviste at Paras ang mga paratang laban sa kanila.