Bumuwelta ang National Bureau of Investigation (NBI) sa naging pahayag ni senator Alan Peter Cayetano na tumawag kay NBI Director Melvin Matibag na isang “cartoon character” at “minion.”

Sa inilabas na pahayag ng komisyon nitong Linggo, sinabi ng NBI na hindi nito personal na papatulan ang naging banat ng senador.

“No one in the Bureau will take offense at the label, nor will it be answered in kind. The Bureau’s work rests on evidence, on documents, and on the law — and none of these is moved by name-calling,” pahayag ng NBI sa isang post sa social media.

--Ads--

Dagdag pa ng ahensya, magpapatuloy si Matibag sa pagtupad sa kanyang tungkulin.

“The Bureau’s work rests on evidence, on documents, and on the law — and none of these is moved by name-calling. The Director answers to no one’s interest but the public’s,” saad pa ng NBI.

Nauna rito, sa isang Facebook Live, tinukoy ni Cayetano si Matibag bilang isang “minion,” o ang dilaw na karakter sa pelikulang ”Despicable Me.”

“Ang nangyayari po ngayon ay may mga mastermind talaga at may mga minions,” ani Cayetano habang ipinapakita ang larawan ng naturang karakter na nakalimbag sa kanyang suot na t-shirt.

“Alam niyo naman ang pangalan ng mga minions, ‘di ba? Pero itong isa, ‘yang minion na ‘yan, ang pangalan niyan ay Melvin. So, shout out sa iyo ngayong Sunday na ito, Melvin the minion,” dagdag pa niya.

Ginawa ng senador ang pahayag kasunod ng sinabi ni Matibag na iimbestigahan ng NBI ang umano’y mga iregularidad sa pagpapatayo ng mga pasilidad na ginamit sa 2019 SEA Games.

Ipinaliwanag ni Matibag na kabilang sa sisiyasatin ang Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (PHISGOC), na pinamunuan noon ni Cayetano, dahil umano’y hindi ito sumailalim sa audit sa kabila ng pagtanggap ng humigit-kumulang P2 billion pondo mula sa pamahalaan.

Sa panig ni Cayetano, iginiit niyang ginagamit umano ni Matibag ang imbestigasyon upang takutin siya bago ang pagharap ng NBI director bilang testigo sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte sa Senado sa susunod na linggo.

Binigyang-diin naman ng NBI na ang isinasagawang imbestigasyon ay para matiyak ang wastong paggamit ng pondo ng bayan.

Iginiit din ng NBI na ang kanilang imbestigasyon ay patas, nakabatay sa ebidensiya, at alinsunod sa mandato ng batas.

“The NBI’s inquiry is impartial, evidence-based, and grounded squarely in its mandate under the law. It presumes no one guilty and exempts no one from scrutiny. We invite anyone with knowledge of the matter — the Senator included — to bring their evidence to the Bureau, and not to a livestream,” tugon pa ng NBI. / Via Bombo John Florez