Tinututukan na sa ngayon ng Lokal na Pamahalaan ng lungsod ng Urdaneta kasabay maigting na imbestigasyon ukol sa natuklasang paggamit ng Certificate ng Covid-19 test results na ginawang pambalot ng tinapa.
Nabatid mula kay Urdaneta City Health Office Sanitation Inspector Fritzy Nacis, ikinagulat nila ang pangyayaring ito na kamakailan lamang lumaganap sa kanilang nasasakupan. Aniya, maituturing lamang ito bilang isang isolated case at hindi din nila kagustuhan ang naturang pangyayari.
Bilang tugon, mahigpit ngayon ang isinasagawa nilang monitoring sa lahat ng mga nagtitinda ng tinapa sa kanilang palengke.
Giit ni Nacis, nagsisilbi na din itong eye opener ngayon sa kanilang tanggapan upang mas lalo pang suriin kung talaga bang ligtas ang ginagamit na mga pambalot ng tinapa.
Nakasalalay ang kaligtasan at kalusugan ng kanilang mga mamimili sa usaping ito kayat mas naging malaking hamon sa kanila ngayon na tignang maigi kung malinis ba ang mga ginagawang pambalot at hindi nanggagaling sa scrap paper mula sa junk shops.
Sa ngayon, bilang rekomendasyon sa kanilang mga tinapa vendors, mas mainam na lamang kung sila ay gagamit ng brown paper bag upang masiguro na ligtas ang kanilang paninda. Ipinarating na din nila ito sa kanilang alkalde at ngayo’y masusi ng iniimbestigahan.