DAGUPAN CITY — Mariing kinokondena ng National Union of Journalists of the Philippines ang nangyaring pamamaslang kay Cresenciano “Cris” Bunduquin, isang mamamahayag sa Negros Oriental.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Len Olea, Secretary General ng nasabing organisasyon, ibinahagi nito na nananawagan ang kanilang hanay sa pamahalaan na kagyat na bigyan ng hustisya ang krimeng ginawa sa radio broascaster.
Aniya na kanilang pinangangambahan na matutulad ito sa naging takbo ng kaso ng pamamaslang kay Percival “Percy Lapid” Mabasa, kung saan matapos ang ilang linggo ng pagturing dito bilang high-profile case ay biglang tumahimik ito at hanggang sa ngayon ay wala pa ring malinaw na resolusyon sa kaso.
Saad ni Olea na hindi nila nanaisin na maging katulad ito ng kaso ngayon kay Bunduquin, kaya naman ay hinihimok nila ang mga awtoridad na mahuli ang isa pa sa mga suspek na nakatakas at gayon na rin ang pagtukoy sa mastermind sa pamamaslang sa mamamahayag.
Binigyang-diin naman nito na kanilang babantayan ang ginagawang pagkilos ng mga awtoridad sa pagresolba sa kasong ito kung saan ay kanilang ipinanawagan sa Presidential Task Force on Media Security na gawin ang lahat ng kanilang makakaya upang mabigyan ng hustisya ang pamamaslang kay Bunduquin gaya ng nagpapatuloy nilang pagsubaybay sa kaso ni Mabasa.
Sa kasalukuyan ay wala pa silang direktang linya sa kaanak ni Bunduquin subalit nagpapatuloy naman ang kanilang ginagawang mga hakbang upang makausap ang mga ito kaugnay ng naturang usapin.
Kanila namang ikinababahala na ito na ang ikatlong kaso ng pagpaslang ng mamamahayag sa bansa, habang hindi naman bababa sa 60 kaso ng paglabag sa karapatan ng malayang pamamahayag sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon bagamat wala pa itong isang taon.
Dagdag pa ni Olea na bukas naman ang kanilang samahan sa pakikipagtulungan sa Philippine National Police patungkol sa usaping ito hangga’t hindi na nila uulitin ang biglaan at hindi katanggap-tanggap na pagbisita sa tahanan ng mga mamamahayag ng walang anumang pahintulot at abiso.
Kaugnay nito ay nagpapatuloy naman ang pakikipagugnayan at komunikasyon sa pagitan ng NUJP at ni Roy Mabasa na siya namang nagpapaabot ng sintimyento sa mabagal na pagusad ng kaso ng pinaslang nitong kapatid.
Katuwang naman ng pamilya Mabasa ang NUJP pagbibigay ng sulat sa special rapporteur on freedom of expression Irene Khan ng United Nations kaugnay ng kasong ito kung saan ay inaasahan naman nila na titignan ng UN expert ang pamamaslang kay Percival Mabasa sa kanyang pagbisita sa bansa.