Dagupan City – Ipinagdiwang ng Department of Health Region 1 ang National oral health month 2025 sa Siapar Integrated School sa bayan ng Anda.

Pinangunahan ang pagdiwang ng DOH-Ilocos Center for Health Development sa pakikipagtulungan ng Public Health Units ng DOH Hospitals-Region 1 Medical Center; Ilocos Training and Regional Medical Center (ITRMC), Conrado F. Estrella Regional Medical Training Center (CFERMTC), Treatment and Rehabilitation Center (TRC) Dagupan, Provincial Health Office (PHO) Pangasinan, Philippine Dental Association-Pangasinan Chapter, Anda Rural Health Unit at Department of Education Region I

Ipinaabot naman ng lokal na pamahalaan ng Anda ang kanilang pasasalamat sa DOH-Center for Health Development Region 1 bilang pagpili sa kanilang bayan bilang venue sa kanilang paggunita ng National Oral Health Month 2025.

--Ads--

Ang selebrasyon ay may temang “Pamilya, Una Kong Dentista: #Ngiting7020” na may panibagong panawagan para sa mga Pilipino na maabot ang edad na 70 na may hindi bababa sa 20 natitirang ngipin.

Layunin din ng tema na bigyan ng mahalagang papel ang mga pamilya sa pagpapalaganap ng magandang kalusugan ng ngipin sa pamamagitan ng tamang pagsisipilyo na nagsisimula sa tahanan.

Dagdag pa ang pagkakaroon ng kahalagahan sa maagang interbensyon kung saan ang mga magulang ang nagsisilbing ihemplo at unang linya sa pagpigil ng mga kondisyon sa kalusugan ng ngipin; Nagtataguyod ng pakiramdam ng sama-samang responsibilidad at kamalayan ng komunidad para sa panghabambuhay na kalusugan ng ngipin.

Ang kaganapan ay nagkaroon ng iba’t ibang aktibidad tulad na lamang ng pagbuo ng 9 na booths na mayroong mga kakaibang estratehiya upang maipakita at maituro ang tamang paraan at kahalagaan sa pangangalaga ng ngipin.

Samantala, aabot naman sa 381 ang sumali sa inisyatiba na kinabibilangan ng mga mag-aaral mula daycare, kindergarten, Grades 1-12, mga magulang, Barangay Health Workers, mga guro at non-teaching staff ng paaralan at mga lokal na opisyal ng Munisipalidad ng Anda, at Brgy. Siapar ang nakibahagi sa pagdiriwang.

Ayon kay Dr. Cezardo Ladia ang siyang Principal II ng paaralan, malaking tulong ang mga ganitong programa upang mapanatili ang pagakakroon ng malusog at maayos na ngipin at aniya na tuloy-tuloy ang kanilang ginagawang mga hakbangin sa mga estudyante sa pamamagitan ng mga learning materials at interbensyon sa kanilang paaralan.

Habang ayon naman kay Anda Mayor Joganie Rarang patuloy din ang kanilang pakikipag-ugnayan sa DOH Region 1 at sa kanilang rural health unit para sa pagsasaagwa ng iba’t ibang serbisyo para sa kanilang mga residente pagdating sa pangangalaga sa kalusugan at sa kanilang oral health