DAGUPAN CITY — “Nakakadismaya.”

Ganito isinalarawan ni John Milton Lozande, Secretary General ng National Federation of Sugar Workers, sa panayam sa kanya ng Bombo Radyo Dagupan hinggil sa pag-abswelto ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa mga opisyal at kawani ng Sugar Regulatory Administration at Department of Agriculture na nasangkot sa kontrobersyal na Sugar Order No. 4.

--Ads--

Aniya na hindi na nila ikinagbigla ang nangyari sapagkat inasahan na ng kanilang hanay na mapapawalang-sala ang mga nasangkot na opisyal sa ilegal na pag-angkat ng libu-libong toneladang mga asukal nang una silang sampahan ng kaso ng Punong Ehekutibo at kasalukuyang Agriculture Secretary.

Dagdag pa ni Lozande na hindi lamang dapat itinuon sa mga sangkot na kawani ang paghahatol ng mga kaso, subalit naging mas malalim pa sana ang isinagawang imbestigasyon ng mga kinauukulan sa sugar fiasco at isinama rin dapat sa mga sinampahan ng kaso ang iba pang mga kasabwat na mga opisyal sa naturang kontrobersiya, gaya na lamang ng ilang kawani ng Bureau of Customs na napag-alamang sangkot din sa sugar hoarding.

Maliban pa rito, binigyang-diin din ni Lozande ang kawalan ng seryosong pagtugon ng Marcos Administration sa nasabing usapin ng lumalalang problema sa asukal lalong lalo na sa mga sindikatong maaaring nasa loob mismo ng gobyerno at sila ring nasa likod ng maanomalya at ilegal na importasyon ng asukal.

Isa naman ito, ani Lozande, sa mga anggulong nakikita ng kanilang hanay kung bakit naabswelto ang kasong ihinatol sa mga nasangkot na opisyal at kung bakit hanggang sa ngayon ay wala pa ring napapanagot sa ma-anomalyang Sugar Order No. 4.

Kaugnay nito ay idiniin din ni Lozande na naging napakatagal ng pagresolba ng mga kinauukulan sa usaping ito kung saan ay nakita rin ng kanilang hanay na tila natansya na at plinantsa lamang ito ng gobyerno upang mapawalang-bisa at maabswelto ang mga kasong isinampa laban sa mga sangkot na opisyal sa halip na idiin at panagutin sana sila.

Saad naman ni Lozande na bagamat wala ng plano ang kanilang hanay na habulin ang usapin na ito ay nananawagan naman sila na kung tunay ngang mayroong pagmamalasakit ang administrasyong Marcos sa hanay ng agrikultura, partikular na sa mga magsasaka, ay gumawa sana ito ng mas malawak pang imbestigasyon upang mailantad na sa publiko ang sindikato, kurakot na opisyal, dealers, at traders na sangkot sa maanomalyang importasyon hindi lamang ng asukal, subalit gayon na rin ang iba pang mga agrikultural products.