Kasalukuyan pa ring nagsasagawa ng imbestigasyon ang pulisya ng bayan ng San Nicolas kaugnay sa natagpuang walang buhay na katawan sa isang kalsada sa nasabing bayan.
Ayon kay PCAPT. George Banayos, Jr., nang makatanggap sila ng report patungkol sa naturang insidente, agad aniyang rumesponde ang kanilang himpilan at sinubukan pang dalhin ang biktima sa isang pagamutan ngunit idineklara na itong dead on arrival.Hindi pa matukoy ang pagkakakilanlan ng biktima ngunit ito ay isang lalaking nagkakaedad sa pagitan ng 55 hanggang 65 years old.
Base sa kanilang inisyal na imbestigasyon, nadiskubre nilang dahil sa traumatic head injury ang naging sanhi ng pagkamatay nito dahil mayroong sugat sa ulo ang biktima.
Sa ngayon ay wala pa silang nakikitang anumang armas na ginamit kung paano nito natamo ang sugat sa kaniyang ulo ngunit marahil ay pinukpok umano ito ng isang matigas na bagay.
Dagdag pa rito, marahil ay bagong insidente lamang umano ito dahil sariwa pa ang dugo ng biktima kaya’t nananawagan ang kanilang himpilan sa kanilang mga kalapit na bayan kung mayroong kapamilya o kaibigan na nawawala, inanyayahan niyang sumangguni sa kanilang tanggapan.
Samantala mas pinaiigting pa ng kanilang hanay ang pagpapatrolya dahil sa inaasahang dagsa ng mga tao ngayong yuletide season.
Saad ni Banayos na tinitignan din nila ang posibleng impormasyon patungkol sa mga criminal cases sa tulong na rin ng koordinasyon ng brgy officials ng bawat barangay sa kanilang bayan.