Natukoy na ang pagkakakilanlan ng bangkay ng 44-anyos na babaeng natagpuan sa isang inn sa barangay Cabilocaan, sa bayan ng Calasiao dito sa lalawigan ng Pangasinan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay PLt. Col. Ferdinand de Asis, Officer in Charge ng Calasiao PNP, patuloy pa ring inaalam ang sanhi ng pagkakasawi ng biktimang si Brenda Bruno, isang may-bahay, at isang meat vendor na nakatira sa barangay Cabatling sa bayan ng Malasiqui.

Wala pa ring sapat na katibayan na ginahasa ang biktima sapagkat nang matagpuan ng empleyado ng inn ang labi nito ay nakasuot naman umano ang mga damit nito.

--Ads--

Dagdag pa ng hepe, nakita umanong pumasok ang biktima at ang suspek 9:30 ng umaga ng Sabado at makalipas ng 15 minuto ay umalis ang kanilang sinakyang tricycle na tanging ang driver na lamang ang lulan nito.

Bandang 3:00 ng hapon ng araw na iyon ay hindi pa rin bumalik ang driver kaya’t pinasok na ang kwarto na kinalalagyan ng biktima at dito na nga ito natagpuang wala ng buhay.

Ayon naman sa imbestigasyon ay walang kahit anong injury o senyales ng struggle sa loob ng kwarto kaya’t maaari umanong kakilala ng biktima ang suspek.

Mayroon na ring person of interest ang mga kapulisan at inaasahang tuluyan nang matutukoy ang suspek sa lalong madaling panahon.

Nanawagan din ang opisyal sa mga nakakakilala ng biktima na kung may mga nakakita sa kasama nito bago mangyari ang insidente ay agarang dumulog sa pulisiya upang mabigyang linaw ang pagkamatay nito.