Umabot na sa walo ang nasawi sa pamamaril sa isang paaralan sa Thailand, kabilang ang mga guro at school personnel at isang 12-anyos na batang babae, habang ilang estudyante at kawani naman ang nasugatan sa insidente.

Ayon kay Lyza Lipata Gumatay, Bombo International News Correspondent sa Thailand, patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa motibo ng 14-anyos na suspek na itinurong responsable sa pamamaril.

Kabilang sa tinitingnang anggulo ng mga imbestigador ang posibleng bullying, problema sa pamilya, at impluwensiya ng online content at video games.

--Ads--

Batay sa mga impormasyong nakalap ng mga awtoridad, nakitaan umano ang computer ng suspek ng ilang video clips na may kaugnayan sa pamamaril. Gayunman, hindi pa malinaw kung ano ang naging direktang dahilan ng pag-atake at patuloy pa itong sinusuri ng pulisya.

Isa rin sa mga tinitingnang anggulo ng imbestigasyon ang sitwasyon sa pamilya ng suspek. Ayon kay Gumatay, hiwalay umano ang mga magulang ng bata at lumaki siya kasama ang kanyang lolo at lola.

Ang baril na ginamit sa insidente ay sinasabing pag-aari ng kanyang lolo at isang lisensiyadong 9mm pistol. Narekober din umano mula sa bag ng suspek ang humigit-kumulang 30 bala.

Sinusuri ngayon ng mga awtoridad kung paano nakuha ng menor de edad ang baril at kung may kaugnayan dito ang pagkamatay ng kanyang mga lolo at lola.

Kasunod ng insidente, isinara muna ang paaralan upang bigyang-daan ang imbestigasyon. Nakatakda namang ipagpatuloy ang klase matapos ang mga isinagawang pagsusuri at paghahanda para sa seguridad ng mga estudyante at guro.

Ayon kay Gumatay, kabilang sa mga hakbang na ipinatutupad ngayon ang paghihigpit sa pagpasok sa mga gusali ng paaralan at pagsasara ng mga pintuan ng classroom, na dati ay karaniwang bukas.

Mayroon ding mga hakbang para matulungan ang mga estudyante at guro na makabangon mula sa trauma matapos masaksihan ang karahasan.

Binigyang-diin din ni Gumatay ang kahalagahan ng paggabay ng mga magulang sa paggamit ng internet, computer at online games ng kanilang mga anak.

Aniya, hindi dapat basta sisihin ang isang partikular na laro, gaya ng Roblox, dahil hindi lahat ng content sa naturang platform ay marahas.

Gayunman, mahalaga umanong malaman ng mga magulang kung ano ang mga website, video at iba pang online content na naa-access ng kanilang mga anak.