Umakyat pa ang bilang ng mga nasawi sa bansa dahil sa magkakasunod na epekto ng bagyong Luis, bagyong Maymay, at ng habagat.

Ayon kay Office of Civil Defense (OCD) Information Officer Diego Mariano, umabot na sa 21 ang naitalang namatay mula sa mga lalawigan ng Benguet, Rizal, at Batangas.

Bukod sa mga nasawi, apat pa ang kasalukuyang pinaghahanap.

--Ads--

Tatlo sa Benguet at isa sa Batangas, habang 15 naman ang naitalang sugatan sa mga rehiyon ng Ilocos, Benguet, Rizal, at Cavite.

Malaki rin ang iniwang pinsala ng sama ng panahon sa kabuhayan at ari-arian.

Sinabi ng OCD na sumampa na sa P1.46 bilyon ang kabuuang danyos sa mga imprastraktura, habang pumalo naman sa P197 milyon ang naitalang pinsala sa sektor ng agrikultura.

Gayunman, hindi pa ito pinal kaya maaari pang tumaas sa mga susunod na araw.