Nakatakdang magtapos ang misyon ng Artemis II ngayong Abril 10, 2026 (oras sa Amerika) kung saan inaasahan ng National Aeronautics and Space Administration (NASA) ang ligtas na splashdown ng spacecraft sa karagatang malapit sa California.

Matapos ang mahigit siyam na araw sa kalawakan, maghihiwalay ang Orion crew module na kinalalagyan ng mga astronaut mula sa service module bago ito pumasok sa atmosphere ng Earth.

Ang service module ay tuluyang masusunog habang ang crew capsule naman ay babalik nang ligtas.

--Ads--

Sa muling pagpasok sa atmosphere, makararanas ang mga astronaut ng matinding init at puwersang halos apat na beses ng normal na gravity.

Pansamantalang mawawala rin ang komunikasyon sa loob ng humigit-kumulang anim na minuto dahil sa plasma na bumabalot sa sasakyan.

Magbubukas ang mga parachute upang pabagalin ang capsule bago ito bumagsak sa dagat.

Kaagad namang reresponde ang U.S. Navy upang sagipin ang mga astronaut, na inaasahang dadalhin sa medical bay sa loob ng dalawang oras matapos ang pag-landing.

Mahigpit na mino-monitor ng NASA ang reentry dahil sa naging isyu sa heat shield ng nakaraang misyon na Artemis I.

Dahil dito, inayos ang paraan ng pagbabalik ng spacecraft upang mabawasan ang matinding init.

Bagamat may naitalang maliit na tagas ng helium sa propulsion system, sinabi ng mga opisyal na hindi ito nakaapekto sa kabuuang takbo ng misyon.

Ayon sa NASA, kumpiyansa sila sa kaligtasan ng sistema, at ang matagumpay na pagbabalik ng Artemis 2 ay mahalagang hakbang para sa mga susunod pang misyon patungo sa buwan.