Maling-mali ang naratibo na Pilipinas ang naghahasik ng gulo sa West Philippine Sea.
Yan ang binigyang diin ni Kiko Aquino Dee, Co-Convenor ng Atin Ito Coalition, ito ay matapos ang naging salpukan ng China Coast Guard vessel at kanilang Navy habang hinahabol ang mas maliit na barko ng Philippine Coast Guard.
Ayon kay Dee, ligtas ang lahat ng indibidwal na sangkot mula sa magkabilang panig maging ang mga tauhan ng Chinese Navy at ang mga Pilipinong sakay ng nasangkot na barko.
Ipinahayag niya ang pasasalamat na walang buhay ang nawala, at muling binigyang-diin na parehong panig ang nagnanais na maiwasan ang ganitong mga insidente sa hinaharap.
Kaya’t mariin niyang pinabulaanan ang mga naratibo na ang Pilipinas ang nanggugulo sa WPS.
Sa katunayan aniya isang barko lang ang naroon at sa lahat ng pagkakataon, ang China ang siyang nambubully at nanghahasik ng tensyon.
Dagdag pa niya, malinaw na Pilipinas ang may legal na karapatan sa naturang lugar batay sa arbitral ruling ng 2016.
At kung may legal na pag-aangkin ang China, dapat ay kasing lakas ito ng posisyon ng Pilipinas.
Para sakanya, hindi katanggap-tanggap ang patuloy na agresyon ng China sa ating nasasakupang karagatan.
Kaya’t nanawagan ito na dapat manatiling matatag ang Pilipinas sa paggiit ng ating posisyon sa WPS sa pamamagitan ng mapayapang paraan at batay sa pandaigdigang batas.