DAGUPAN CITY— Maituturing na malaki ang itinaas ng trend ng COVID-19 cases sa buong Rehiyon uno.
Ayon kay Dr. Rhuel Bobis, ang Medical Officer IV ng DOH Region 1, ito ay dahil na rin sa biglaang pagtaas ng kaso ng nabanggit na sakit sa unang linggo ng buwan ng Enero ngayong taon.
Kung ikukumpara aniya sa mga naitatalang kaso noong huling linggo noong December 2021, nasa 8 kaso lamang ang naitatala kada araw ngunit sa unang linggo pa lamang ng January 2022, ay pumapalo na ngayon ito sa 200-300 na kaso kada araw.
Aniya, ang nakikita pa ring dahilan ng kanilang tanggapan ay ang pagtaas ng mobility ng mga tao noong pasko at bagong taon.
Sa pinakahuling datos naman ng COVID-19 cases noong Enero 9, nasa 95, 349 na ang total cases sa rehiyon, 91, 903 dito ang gumaling na at 2, 267 na namatay.
Kung saan sa Pangasinan, umabot sa 116 ang bagong naitala, habang 53 naman sa lungsod ng Dagupan.
Dagdag pa niya, kinakailangan pa ng pag-aaral kung kailangan na ring itaas sa alert level 3 sa rehiyon.