DAGUPAN CITY- Naniniwala si Dr. Glenn Joseph Soriano, isang US Doctor at Natural Medicine Advocate, na maliit na ang tsansang maulit ng MonkeyPox o Mpox ang naranasan ng bansa mula sa Covid-19 noong 2020.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan sa kaniya, hindi gaano kalala ang klase ng MPOX na tumama sa bansa at ito ay kusang gumagaling.

Aniya, hindi ito tulad ng mga MPOX na nakita sa mga bansa tulad ng Africa na malala at nakamamatay.

--Ads--

Nakapagtala man ng mortalidad sa bansa subalit, maaaring ang pasyenteng ito ay may nauna ang sakit na nakapanghina ng kaniyang immune system.

Bagaman may kahirapan din malaman kung isang mpox ang tumama sa isang tao o ibang klase ng sakit, madali itong makontrol kung magkakaroon agad ng isolation.

Ayon kay Dr. Soriano, ang MPOX ay isang uri ng viral infection katulad ng COVID-19 kung saan madali itong makahawa sa close contact interaction ng isang tao sa kapwa nito.

Wala pa man itong naturang gamot subalit maaaring mabigyan lunas ang mga sintomas nito tulad ng mga gamot panlaban sa rashes o mga ointment.

Maaari rin gamitan ito ng alternatibong herbal medicines subalit mas matagal pa ang epekto nito.

Mahalaga rin ang pananatili ng hygiene upang makaiwas sa bacterial infection at kung maliligo, mahalagang gumamit ng malamig na tubig.

Samantala, karaniwang sintomas nito ay ang pagkakaroon ng pantal, lagnat, masakit na lalamunan, sakit ng ulo, pananakit ng kalamnan, pananakit ng likod, panghihina, at namamagang kulani.

Mahalaga aniyang agapan ito agad sa oras na makaranas ng sintomas.