Dagupan City – Malinaw ang pagpapakita ng Political Bias ng mga akusado sa nangyayaring pagdinig sa kamara.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Atty. Joseph Emmanuel Cera, Constitutional Law Expert, sinabi nito na kapansin-pansin ang presensya ng political bias sa mga isinasagawang pagdinig sa Kongreso, partikular sa mga usapin kaugnay ng mga anomalya sa flood control projects.
Tinukoy ni Cera ang naging asal ni Rep. Rodante Marcoleta sa isa sa mga pagdinig, kung saan tila iniiwasan umano nitong talakayin ang papel ng mga kontraktor na nasangkot sa ilalim ng administrasyong Duterte.
Bukod dito, binanggit din niya ang umano’y pagkakasangkot ng ilang opisyal ng gobyerno na naging kontraktor rin ang sarilig pamilya sa mga proyektong may kinahaharap na isyu ng korapsyon.
Samantala, ipinahayag din ni Cera ang kanyang pananaw hinggil sa pagkakaimbitahan ni Pasig City Mayor Vico Sotto bilang resource person sa pagdinig kasunod ng naging pahayag ni Sotto na tinawag niyang “sinungaling” ang mga Discaya.
Ayon kay Cera, may punto si Sotto, at malinaw na siya ay isa rin sa mga tinatarget dahil sa kanyang mga inilatag na impormasyon na may kinalaman sa anomalya.
Kung susuriin at aanalisahin kasi aniya, mas lalo pang yumaman ang mga Discaya sa ilalim ng Duterte administration, kung saan lumobo ang kanilang mga ari-arian kumpara sa tinutukoy nilang panahon ng Aquino administration.
Dagdag pa niya, ang ganitong mga obserbasyon ay patunay na ang ilang mga pagdinig sa Kongreso ay hindi ganap na patas, at tila ginagamit para sa pansariling interes o panlilinis sa imahe ng ilang mga personalidad.