Dagupan City – Matinding pagbaha ang naranasan sa ilang bahagi ng Toronto, Canada matapos ang malakas na buhos ng ulan na nagdulot ng flash flood at nakaapekto sa normal na pamumuhay ng mga residente.
Ayon kay Ruth Marie Magalong, Bombo International News Correspondent sa Canada, maraming residente ang nawalan ng kuryente habang ilang klase naman ang kinailangang kanselahin dahil sa epekto ng pagbaha.
Matapos ang tatlo hanggang apat na araw na pag-ulan at pagbaha, unti-unti na umanong nagsasagawa ng cleanup at recovery operations ang mga apektadong lugar.
Kabilang sa mga tinututukan ngayon ang paglilinis sa mga kalsada at establisyimento, gayundin ang pag-aalis ng mga naipong tubig at debris na iniwan ng baha.
Samantala, sinabi ni Magalong na kabilang ang naturang insidente sa mga pinakamalalakas na flash flood na tumama sa lugar sa nakalipas na mahabang panahon, na iniuugnay sa hindi pangkaraniwang lakas at dami ng pag-ulan.
Patuloy naman ang pagbabantay ng mga awtoridad sa lagay ng panahon habang isinasagawa ang rehabilitasyon sa mga lugar na naapektuhan ng pagbaha.










