BOMBO DAGUPAN– Pinaghahandaan na ng mga paaralan sa Region 1 ang nalalapit na pagtatapos ng mga mag aaral sa May 29-31.
Ayon kay Cesar Bucsit, Administrative Officer V ng Department of Education Region 1, kaugnay sa ‘No Collection Policy’, nakasaad sa Department of Education Memorandum 023 s.2024 na hindi pinapayagan ang bawat DepEd personnel na mangolekta ng Fees o ng mga bayad para sa pagtatapos ng mga mag-aaral.
Maliban diyan, nakasaad din ito sa isang Department of Education Order dahil may nakatuon nang budget na ilalaan sa Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE) para sa nasabing seremonya.
Kaugnay nito. wala pa aniya silang natatanggap na reklamo patungkol dito.
Samantala, batay aniya sa DepEd Memorandum, binigyan ng abiso ang mga paaralan na isagawa ang pagtatapos sa mga venue na may maayos na ventilation para sa kaligtasan ng mga dadalo.
Kinakailangan din na Indoor ang pagaganapan nito upang maging handa sa mainit na panahon o sa biglang pag-ulan.
Binabati naman ni Bucsit ang mga magsisitapos dahil nalampasan ng mga ito ang mga naging pagsubok sa papatapos na school year.
Karagdagan pa niya, patuloy ang kanilang ahensya na ibigay ang high quality education para sa mga mag-aaral.