DAGUPAN CITY- Nakumpiska ng mga kapulisan sa bayan ng Mangaldan ang mga ilegal na paputok kung saan dalawang indibidwal ang itinuturong may kinalaman dito.
Ayon kay PCPT Vicente Abrazaldo, Officer mula sa Mangaldan Police Station, ang mga paputok ay kinumpiska dahil ang mga nagbebenta nito ay wala sa firecracker zone at walang mga hawak na kaukulang permit upang magbenta ng mga ito.
Ngunit aniya, kinausap na lamang ang dalawang indibidwal na wag na mulimg gawin ang nasabing illegal na gawain at tiniyak rin ng mga ito na hindi na sila makakapagbenta pa ng mga paputok.
Samantalang sa mga maiingay na tambutso, marami ring nakumpiska ang mga pulis. Ito ay dahil sa mga raider na gumagamit ng loud pipe para salubungin ang bagong taon. Agad namang pinutol o pinitpit ang mga tambutso upang hindi na magamit at magdulot ng ingay.
Sa kabuuan, ayon kay Abrazaldo, naging maayos naman ang pagsalubong sa bagong taon sa bayan ng Mangaldan kung saan Walang naiulat na mga firecracker-related injury sa kanilang lugar.
Pinaalalahanan naman ni Abrazaldo ang mga tao na huwag nang magpaputok ngayon, upang maiwasan ang anumang aksidente o pinsala dulot ng mga paputok.