Dagupan City – Nakapagkumpiska na ang Pangasinan Police Provincial Office ng nasa 13 baril o firearms batay sa pinakahuling ulat mula noong Enero 12 hanggang sa ikalawang linggo ng pebrero sa pagpapa-iral ng Comelec Gun Ban sa buong probinsya.
Ayon kay PCpt. Socorro F. Arciaga, Acting Officer in Charge ng Public Information Office sa Pangasinan Police Provincial Office na dalawa sa mga baril na nakumpiska ay mula sa mga checkpoint kung saan isa sa San Carlos City at isa sa San Quintin, Pitong baril naman ang nakuha sa mga search warrant sa mga bayan ng Manaoag, Balungao, Bolinao, Asingan, at Rosales, at sa mga lungsod ng Urdaneta at Alaminos habang apat pang baril ang nakumpiska sa mga buy-bust operation sa Pozorrubio, Santa Barbara, Binalonan, at Urdaneta City.
Patuloy naman aniya ang kanilang hanay sa pagsasagawa ng mga checkpoint sa mga kakalsadahan sa lalawigan upang maiwasan ang krimen na maaring maganap sa panahon ng eleksyon.
Nasa 80% ng mga pulis ang nakatalaga sa pagbabantay, at wala pa naman aniyang naitatalang insidente na may kaugnayan sa eleksyon.
Dagdag pa nito na nasa 115 na mga police personnel umano ang idinagdag sa kanilang pwersa na siyang magiging responsable sa pagtutok sa walong lugar na itinuturing na “areas of concern” na nasa yellow category ayon sa Comelec
Saad pa ni Pcapt. Arciaga na handa rin ang Pangasinan PPO sa posibleng pagbisita ng mga kandidato na tumatakbo sa national position para sa kampanya dahil nagsimula na ang kampanya ng mga ito noong martes kaya inaasahan na ang mga ito sa lalawigan.
Samantala, nagpaalala naman ito sa mga kandidato na sumunod sa mga alituntunin ng Comelec at iwasan ang vote buying at vote selling upang maiwasan ang mga kaso.
Hinikayat din niya ang mga botante na maging matalino sa pagboto ng maihahalal sa pwesto na siyang makakatulong sa taumbayan.