Nilinaw ni Bombo Legal Advocate Atty. Joey Tamayo na puwedeng hati-hatiin ng magkakapatid ang naiwang lupa ng yumaong ama kahit walang pirma ang ina, kung kusang-loob itong pumayag at tumanggi sa kanyang mana. Ito ay matapos idulog sa Bombo Radyo Dagupan ang hinaing ng isang complainant mula sa Pangasinan, kung saan naghatian umano ang limang magkakapatid sa lupa nang walang pirma ang kanilang ina na hindi marunong bumasa at sumulat.
Paliwanag ni Atty. Tamayo, sa ilalim ng intestate succession o pagmamana na walang testamento, paghahati-hatian ng asawa at mga anak ang ari-arian. Kung buhay pa ang asawa at may limang anak, dapat ay paghahatian ito ng anim, dahil kung ano ang parte ng isang anak ay ganoon din ang parte ng asawa. May mga pagkakataon aniya na kusang tumatanggi ang ina sa mana, lalo na kung matanda na at ayaw nang pasanin ang estate tax sa BIR.
Ngunit nilinaw niya na iba ang usapan kung hindi pumayag ang ina. “Kung hindi papayag ‘yong ina, puwede po siyang mag-complain. ‘Yong isang kapatid, puwede siyang mag-complain. At pag hindi inayos, hindi pinalitan ‘yong hatian, puwede po silang dumulog sa hukuman,” giit ni Atty. Tamayo.
Tinalakay din ang tanong kung paano kung walang pambayad sa abogado. Ayon kay Atty. Tamayo, nariyan ang Public Attorney’s Office (PAO) para sa libreng abogado, ngunit kadalasan ay tinatanggihan nito ang kasong may lupa. Ang isa pang opsyon ay ang pag-apply bilang pauper litigant, kung saan sa pamamagitan ng petisyon ay maipapahayag na walang pambayad, at kung manalo ay maaaring ibawas ng hukuman ang filing fees mula sa mapapanalunang property.










