Dagupan City – Naiatala ang insidente ng karambola sa bahagi ng Manila North Road sa brgy. Carmen sa bayan ng Rosales.
Ayon kay PMaj. Noel DC. Cabacungan, Officer In Charge ng Rosales PNP, ito’y dahil umano sa kawalan ng preno ng minamaneho ni Reb Nemenzo Aduptante mula sa Nueva Ecija ng isang dumptruck na may akarga-kargang mga bato.
Dahil na rin aniya sa bigat nito, dali-daling agad na nawalan ng control si Reb sa kaniyang sinasakyan at agad na bumangga naman sa mga katabing sasakyan.
Sa kabuuan nasa 14 na mga sasakyan ang nagkarambula sa insidente na kinabibilangan naman ng dumptruck na siyang sumagasa sa ibang sasakyan, 1 fortuner, 1 vios, 2 pickup, 1 montero, 3 10-wheeler truck, 3 tricycle at 1 motirsiklo at 1 van.
Dagdag pa rito, napinsala rin ang isang pawnshop at district dinner na kainan sa kahabaan ng Carmen West.
Sa kabutihang palad naman, nakapagtamo lamang ang mga involve sa pangyayari ng gasgas at galos, at wala namang naitalang nakapagtamo ng malubhang sugat at nasawi.
Sa kasalukuyan, pinag-usapan naman na ang nakatakdang settlement ng bawa’t panig, at ito na ang kauna-unahang naitalang may pinakamaraming sasakyan ang sangkot.
Paalala naman nito sa mga motorista lalo na ang mga nagmamaneho ng mga heavy vehicles na tignan palagi ang mga kalagayan ng sasakyan partikular na ang mga preno, ilaw at iba pa upang maiwasan ang anumang klaseng aksidente sa kakalsadahan.