Magmula nang salubungin ang bagong taon, umaabot sa 65 firecracker related injuries ang naitala dito sa lalawigan ng Pangasinan sa kasalukuyan kung saan 33 dito ay mga adults habang ang 32 ay mga menor de edad.

Ayon kay PCapt. Renan Dela Cruz, ang Public Information Officer ng Pangasinan Police Provincial Office, madalas na dahilan sa mga biktima ng paputok ay dahil sa impluwensya ng alak, habang sa mga menor de edad naman, dahil umano sa kapabayaan ng mga magulang.

Mayroon din aniyang naitalang dalawang kaso ng stray bullets kung saan ang isang suspek ay residente ng bayan ng San Manuel na nagpaputok ng baril noong Disyembre 22 habang ang pangalawang kaso ay naitala naman sa bayan ng San Fabian na nagdulot ng slight physical injury.

--Ads--

Ibinahagi rin ni Dela Cruz na sa kanilang paglilibot sa bawat bayan ng lalawigan gaya ng Mangatarem, Agno, Bayambang at syudad ng Dagupan, nakakumpiska sila ng ilang mga ilegal na paputok.

Samantala, pinayuhan naman nito ang mga motoristang nagpalit ng muffler bilang alternatibong pampaingay na ibalik sa standard muffler ang kanilang mga sasakyan.

Sakali mang mayroong lumabag, kukumpiskahin aniya nila ito katuwang ang Land Transportation Office (LTO) na nakaantabay.

Gayunpaman, maituturing pa ring generally peaceful ang nagdaang pagsulong ng bagong taon sa lalawigan ng Pangasinan.