Nakakapangamba para sa mga mangingisdang Pilipino ang nagaganap na tensyon sa pagitan ng Chinese Coast Guard at Philippine Coast Guard.
Ito ang inihayag ni Pablo Rosales, ang National Chairperson ng Pangisda Pilipinas kaugnay sa panibagong naitalang pambobomba ng water cannon ng coast guard ng China sa barko ng Pilipinas sa Ayungin Shoal kamakailan.
Aniya, kung ang Philippine Coast Guard ay kayang kaya nang bombahin ng China, paano pa kaya ang mga maliliit na mga mangingisda na ang tanging nais lamang ay makuha ang pagmamay-aring likas na yaman.
Panawagan nila na sana ay maging maayos ang tensyong ito sa pamamagitan ng pagkakaroon ng maayos na pag-uusap dahil hindi rin naman aniya nila nais na mas maging matindi pa ang sagupaan lalo pa at tila naghahamunan na ang dalawang panig.
Kaugnay nito, ang lagi nilang ipinapanawagan sa gobyerno ay ang pagpoprotekta sa soberanya ng Pilipinas at hawakan ang pinagtagumpayang laban para mai-gawad ang paggamit ng bansa sa natural resources ng karagatan partikular ng West Philippine Sea.
Mungkahi nito na sana ay magkaroon ng mahigpit na pakikipag-usap ang punong ehekutibo sa lider ng China na si Xi Jinping na huwag tratuhin ang ating teritoryo o ang Exclusive Economic Zone (EEZ) ng hindi tama at irespeto ang kung ano ang ipinagkaloob ng international court.
Dagdag nito na malaki pa ang kayang gawin ng pamahalaan pagdating sa pagpoprotekta sa kapakanan ng mga mangingisda at matanggal ang takot ng mga ito mula sa pangha-harrass ng Chinese Coast Guard upang patuloy ng mga itong maitaguyod ang kanilang kabuhayan.
TINIG NI PABLO ROSALES