Mga kabombo! Naniniwala ba kayo sa malas na gamit?
Nasa tinatayang P640 Milyon pesos kasing mga alahas ang nasimat matapos sabihin ng “shaman” o espiritista na may sumpa ang mga ito!
Paano ba naman kasi, ang 44-anyos na babaing nagpanggap na “shaman” o espiritista na kinilalang si Mariana Mijailovic ay gumamit ng kakaibang cleansing ritual scam.
Kinilala ito na si Mariana Mijailovic, katuwang ang kanyang 19-anyos na anak na si Anna, ay nambiktima ng mga mayayamang kababaihan sa mga lansangan ng Munich, Germany at Vienna, Austria sa loob ng 10 taon.
Ang kanilang modus: nilalapitan ng mag-ina ang kanilang mga target at tinatakot ang mga ito gamit ang mga kuwento tungkol sa masasamang espiritu.
Sinasabi nilang ang mga mamahaling alahas ng biktima ay “isinumpa” at magdadala ng matinding kamalasan, sakit, o kamatayan sa kanilang pamilya kung hindi lilinisin.
Dahil sa takot, ibinibigay ng mga biktima ang kanilang mga alahas at nagbabayad pa nang malaking halaga para sa umano’y shamanic rituals o exorcism na tanging ang mag-ina lang daw ang makagagawa.
Matapos makuha ang pera at gamit, bigla na lang silang naglalaho at pinuputol ang komunikasyon.
Ayon sa prosecutors, hindi bababa sa 19 na tao ang naloko ng mag-ina.
Isang biktima ang nagbayad ng mahigit $673,000 dahil sa paniniwalang sinasapian siya ng demonyo.
Ang isa naman ay nagbayad ng mahigit $65,000 sa pag-asang mapagagaling ng ritwal ang kanyang kanser, ngunit sa kasamaang-palad ay pumanaw din ito dahil sa sakit.
Matapos ang report, agad na nagsagawa ang Austrian police sa bahay ng mga Mijailovic sa Vienna kung saan tumambad sa kanila ang limpak-limpak na yaman na tinatayang nasa 25 kilo ng ginto, mga mamahaling relo, wedding rings, bundle ng dollars at Swiss francs, at 14 na sasakyan.
Sa hatol ng korte, iniutos na magbayad lang ang pamilya ng mahigit $2 milyon dahil hindi napatunayan ng mga prosecutors na ang lahat ng nakumpiskang yaman ay galing sa panloloko, matapos igiit ng mga abogado ng suspek na ang iba dito ay galing sa regalo, mana, at real estate.










