Nanawagan si Argel Cabatbat, Chairman ng Magsasaka Partylist, ng mas mahigpit na aksyon mula sa Department of Agriculture (DA) at pamahalaan laban sa mga nagsasamantala sa industriya ng bigas, kasabay ng pagtaas ng presyo nito sa merkado habang nananatiling mababa ang presyo ng palay sa mga magsasaka.
Ayon kay Cabatbat, maganda ang naging anunsyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kaugnay ng hakbang upang kontrolin ang presyo ng bigas, ngunit tila huli na ang aksyon kung kailan nakapag-ani na ang mga magsasaka sa mga pangunahing lalawigan gaya ng Nueva Ecija.
Aniya bagamat tumaas na ang presyo ng bigas sa pamilihan, binigyang-diin nito na hindi ito nararamdaman ng mga magsasaka, dahil bagsak pa rin ang presyo ng palay.
Dahil dito, nananatiling duda ang kanilang hanay na baka minamanipula ang sistema upang makinabang ang mga negosyante at hindi ang mga pangunahing nagtatanim ng bigas.
Kaya’t panawagan niya na maibalik ang dating 35% na taripa sa imported rice.
Bukod dito ay pinuna rin ni Cabatbat ang epekto ng pagpasa ng Rice Tariffication Law (RTL) kung saan, aniya, nabawasan ang kapangyarihan ng National Food Authority (NFA) sa regulasyon ng suplay at presyo ng bigas.
Sa kasalukuyan, mahirap na aniyang labanan ang mga importers at rice traders maliban na lang kung may deklarasyon ng national emergency.
Sa kabila ng pangako ng administrasyon na pababain sa ₱20 kada kilo ang presyo ng bigas, iginiit niya na hindi ito sustainable sa kasalukuyang kalagayan ng industriya.
Hinikayat niya naman ang lahat na huwag manatili sa pagrereklamo lamang, kundi siguruhing may managot sa manipulasyon ng presyo at gumawa ng konkretong hakbang upang protektahan ang sektor ng agrikultura.