DAGUPAN CITY- Tila pilit umanong inilalayo ni Committee Chairperson Sen. Imee Marcos sa pag dinig ng Committee on Labor, Employment, and Human Resources Development ang pagtaas ng sahod at sumesentro ito sa usaping kung paano itinatakda ang sahod ng mga manggagawa.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Federation of Free Workers (FFW) Vice President Julius Cainglet, may isinusulong na panukalang batas na National minimum wage setting mechanisim si Sen. Marcos.

Aniya, kung ipapatupad ito ay dapat maihatak pataas ng mga mayayaman na rehiyon ang mga probinsyang may mabababang sahod at hindi ang kabaliktaran.

--Ads--

Gayunpaman, ‘ironic’ umano ang pagpuna ni Sen. Marcos sa Regional Wage Board subalit hindi naman nito tinalakay ang halaga na masasabing living wage ang isang sahod.

Idiniin naman ng FFW ang mandato ng batas na mabigyan ng ‘family living wage’ ang mga manggagawa.

Gayunpaman, lumalabas lamang na kulang ang pag-aaral ng gobyerno kung paano maitatakda ang ganitong uri ng sahod.

Giit naman ni Cainglet na hindi garantisadong magkakaroon ng pagtaas kung magtutuon lamang si Sen. Marcos sa framework o balangkas ng usapin.

Samantala, direktang suportado nina Sen. Risa Hontiveros, Sen. Robinhood Padilla, at Kamanggagawa Partylist Cong. Eli Soriano ang pagtaas ng sahod.

Naging mahaba rin ang interbensyon sa pagdinig para sa ilang mga kinatawan ng mga inimbitahang ahensya ng gobyerno, tulad ng Department of Labor and Employment (DOLE), Department of Education (DEPED), Philippine Statistics Authority (PSA), at Department of Trade and Industry (DTI).

Napakinggan din ang posisyon ng mga employers hinggil sa pag-inda nila sa karagdagang sahod.