DAGUPAN CITY- Maaari umanong magdala ng ‘Constitutional crisis’ sa bansa ang di umano’y pag-overboard ng Korte Suprema sa kanilang desisyon hinggil sa impeachment case ni Vice President Sara Duterte.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay France Castro, former Representative ng ACT-Teachers, naninindigan silang wala sa kasalukuyang konstitusyon ang naging desisyon ng Korte Suprema na ipawalang bisa ang impeachment complaints laban sa bise presidente.

Aniya, ikinatalo ito ng taumbayan dahil matatagalan pa ang paghain muli ng impeachment complaints, batay sa one-year rule.

--Ads--

Maliban pa riyan, ikinababahala nila ang pagboto ng mayorya ng senado na pag-archive sa impeachment articles.

Giit niya na nagpapakita lamang ito na hindi interesado ang senado na mapanagot ang bise presidente sa mga katiwalian nito.

Gayunpaman, naniniwala sila na maitutuloy pa rin ang impeachment trial kahit pa napakatagal na ng delay nito.

Samantala, patuloy nilang ipinaglalaban ito at nakiisa sila sa Makabayan Bloc, kasama ang National Uion of People’s Lawyer (NUPL), na naghain ng joined motion for reconsideration (MR) at Motion for Intervention.

At kung magkakaroon lamang ng oral argument, base sa mga prayers ng mga naunang inihain, ay naniniwala silang maibabaliktad ang naging desisyon ng korte suprema sa pamamagitan ng pagpresenta ng mga bagong testimonya.

Kaugnay riyan, babantayan nila ang pagdinig sa August 12 at papatunayan na mali ang datos na ipinakita ng Korte Suprema hinggil sa naging proseso ng House of Representative sa impeachment case noong Pebrero.