Inihayag ng Police Regional Office 1 na maituturing na mapayapa ang naging paggunita sa nagdaang Semana Santa sa Rehiyon 1.
Hindi naman gaanong nagkaroon ng mga malubha at malalaking insidente sa ilang lugar sa buong linggong kaganapan.
Ayon kay Pltcol. Benigno C. Sumawang ang Chief ng Regional Public Information Office na dahil sa patuloy na pagtutok ng kapulisan at iba pang katuwang na ahensya at sektor sa Oplan Semana Santa 2025 ay masasabing naging generally peaceful ang 4 na lalawigan.
Aniya na sa pamumuno ni PBGen. Lou Evangelista ay maigting na inalalayan ang publiko maging ang mga pulisya sa pamamagitan ng kanyang personal na pagbisita sa bawat bayan at lungsod sa buong rehiyon na mayroong tourist destination katuwang ang ilang opisyal ng Regional Office at Provincial Office dahil tinatayang umabot sa milyong bisita ang dumako dito.
Sa kabilang banda, ibinahagi naman nito na sa kanilang datos noong Abril 13 hanggang 20 nakapagtala ang kanilang opisina ng 7 drowning incident kung saan 4 dito ay nangyari sa Pangasinan, 1 sa La Union, 1 sa Ilocos Sur at 1 din sa Ilocos Norte.
Mas mataas ang kaso ngayon dahil noong nakaraang taon ay nasa 5 drowning lamang ang naitala sa pagselebra ng lenten season.
Kaugnay nito, umabot naman sa 80 kaso ang naging road crash accident sa rehiyon kung saan mas mababa ito kumpara sa nakaraang taon dahil nakapagtala ang kanilang opisina ng nasa 97 kaso.
Saad pa niya na dahil sa dagsa ng mga turista nagkaroon ng ilang massive traffic sa ilang parte ng rehiyon gaya sa La Union at Pangasinan.
Bukod sa mga ganitong kaso may ilang nagawang accomplishment din ang kanilang opisina sa isang linggong kaganapan kung saan nakapaghuli sila ng nasa 102 na wanted persons, 37 drug personalities, 21 person of loose firearms, 15 surrendered Communist Terrorist Groups o CTGs at 23 illegal gamblers.
Samantala, pagtitiyak parin ni Col. Sumawang na handa ang kanilang hanay na tumutok sa mga kaganapan sa bawat bayan o lungsod at handang tumulong sa mga nangangailangang indibidwal upang mapanatili ang mapayapa at maayos na Rehiyon Uno.