Wala nang buhay nang matagpuan ang bangkay ng isang hindi pa nakikilalang lalaki sa gitna ng ilog sa Barangay Colisao, San Fabian, Pangasinan.
Batay sa paunang imbestigasyon, nakadapa ang bangkay sa mabatong bahagi ng ilog na may agos ng tubig, at bahagya na itong naaagnas.
Suot ng lalaki ang dark blue na sweatshirt at kulay abong shorts.
May katabaan ang katawan, tinatayang nasa edad kwarenta hanggang singkuwenta anyos, at may taas na5’2 ang bangkay.
Ayon kay Plt Fidel Mejia, duty officer ng San Fabian PNP, posibleng nalunod ang lalaki, ngunit nilinaw nitong patuloy pa rin ang imbestigasyon upang matukoy ang sanhi ng kanyang pagkakasawi.
Batay naman sa pagsusuri ng Doctor, Walang foul play na nangyari sa pagkakasawi ng biktima.
Hindi pa tukoy ang pagkakakilanlan ng bangkay at wala pa ring lumalapit sa pulisya para kilalanin ang biktima, agad na naglabas ng flash alarm ang San Fabian Police sa mga karatig-bayan at lungsod upang ipabatid na may natagpuang bangkay sa kanilang lugar.
Sa ngayon, nasa Funeraria Ibasan sa Dagupan City ang katawan ng lalaki.
Hinimok ng mga awtoridad ang publiko na makipag-ugnayan sa kanilang istasyon sa numerong 0998-598-5125 kung may impormasyon sa pagkakakilanlan ng biktima.