Matagumpay na naidaos ang Mushroom Festival na taunang ginugunita ng bayan ng Santa Maria, sa lalawigan ng Pangasinan.
Ayon kay Irma Baltero, ang Chairman ng selebrasyon, isa sa hindi mawawala dito ay ang Mushroom Cookfest kung saan itinatampok nila ang iba’t ibang klase ng luto ng nasabing produkto.
Layunin nito na patunayan na maraming putahe at klase ng luto ang maaaring magawa gamit ang mushroom.
Malaking bagay din aniya ito para sa bawat isa na madiskubre ang kakaibang luto nito.
Nagsimula aniya ang kanilang selebrasyon noong taong 2010 ngunit kalaunan lamang nila nasimulan ang Cookfest nang kanilang mapagtanto na kailangan ng twist o kakaibang pamamaraan ng pagluluto nito.
Sa bawat taong nagdaan, maraming mga nadiskubre putahe ang mga nakikilahok at ito aniya ang nagpapaangat sa kabuhayan ng mga mamamayan ng Santa Maria.
Samantala, malugod naman inanyayahan ni Dr. Reynaldo Segui Jr. ang publiko na welcome silang makiisa sa selebrasyong ito.
Pagbabahagi din nito na simula nang siya ay maupo bilang dating agriculturist ng Santa Maria ay nagsimula na ang pagaraos ng Mushroom festival at aniya, maganda sa katawan ang mushroom dahil ito ay organic at nakakatulong sa kalusugan ng isang tao.
Gayundin, nagpahayag ng kaniyang reaksyon si Maria Doriza Ramos, ang asawa ng Alkalde ng Santa Maria kung saan ito aniya ang pinakamahabang mushroom festival na kanilang naipagdiwang.