Dagupan City – Pormal nang binuksan sa publiko ang Museo de Binalonan, isang bagong pasilidad na naglalayong pangalagaan at ipakita sa mga susunod na henerasyon ang kasaysayan, kultura at mga naging ambag ng mga taga-Binalonan.

Dumalo sa pagbubukas si dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, na kasalukuyang kinatawan ng ikalawang distrito ng Pampanga, kung saan ipinahayag niya ang kanyang paghanga sa patuloy na pag-unlad ng Binalonan.

Ayon kay Arroyo, bahagi ng mas malawak na vision para sa pag-unlad ng bayan ang mga proyektong nakatuon sa turismo, kultura at imprastraktura. Kabilang din sa mga isinusulong na development sa Pangasinan ang pagpapalakas ng transportasyon, kabilang ang plano para sa airport sa lalawigan.

--Ads--

Samantala, binigyang-pansin din sa pagbubukas ng museo ang buhay at kontribusyon ni Carlos Bulosan, isang tanyag na manunulat na nagmula sa Binalonan at naging mahalagang bahagi ng panitikang Pilipino-American.

Para kay Arroyo, mahalaga ang museo bilang isang “place of memory” kung saan maaaring balikan at maunawaan ng mga kabataan ang kasaysayan ng kanilang bayan.

Binigyang-diin niya na hindi lamang dapat tingnan ang museo bilang imbakan ng mga lumang bagay, kundi bilang isang lugar na mag-uugnay sa mga kabataan sa kanilang pinagmulan at magtuturo sa kanila ng kahalagahan ng kasaysayan.

Sa pagbubukas ng Museo de Binalonan, inaasahang aniya na lalo pang mapapalakas ang heritage tourism sa bayan at mahihikayat ang mga residente at bisita na kilalanin at pahalagahan ang mayamang kasaysayan ng Binalonan.

Ayon naman kay Pangasinan Governor Ramon “Mon-Mon” Guico III, mahalaga ang museo upang higit na makilala ng mga Binalonian ang kasaysayan ng kanilang bayan at ang kanilang mga ninuno.

Aniya, ang pagkilala sa nakaraan ay mahalagang susi upang makamit ang mas magandang kinabukasan.

Kinilala rin ni Guico ang Banaan Museum sa Pangasinan, na aniya ay isa sa mga inisyatibang kanyang unang isinulong at pinangunahan sa pagbuo ng exhibit.

Layunin nitong maipakita at mapanatili ang mahahalagang kuwento, kultura at pamana ng mga Pangasinense para sa mga susunod na henerasyon.