Ligtas na narescue ng kapulisan ang isang local business man at caretaker nito na nakidnap kamakailan sa syudad ng Dagupan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay PMaj. Eleonor Villaruz Public Information Officer, PNP – Anti Kidnapping Group na simula Enero 23 ay nagkaroon agad ng pag-aasikaso ang kapulisan sa naturang kaso.

Kung saan napag-alaman na nakatakda sanang makipagkita ang mga biktima sa isang prospective buyer para sa ocular inspection malapit sa terminal ng bus sa nasabing lungsod.

--Ads--

Kinilala naman ang mga biktima na sina William Lee Chua, 59, negosyante mula sa Brgy. Lipit Tumeeng sa bayan ng San Fabian, habang ang office caretaker naman nito ay kinilalang si Arturo Bautista mula sa Brgy Sipan sa bayan naman ng Mangaldan.

Batay sa inisyal na imbestigasyon natawagan ni Chua ang kaniyang asawa bandang 2:45 ng hapon upang maipaalam na sila ay nakidnap.

Agad namang humingi ng tulong ang asawa nito sa mga pinagkakatiwalaang kaibigan ng pamilya, kabilang ang retired General at Barangay Councilman ng nasabing lungsod.

Nakipag-coordinate ang dalawa sa Anti-Kidnapping Group (AKG) Luzon Field Unit, na agad na pinakilos ang kanilang team para hanapin ang mga biktima at hulihin ang mga salarin.

Dahil sa isinagawang malawakang operasyon ng AKG Luzon Field Unit ay nagresulta ito sa pagkakaaresto sa dalawang suspek sa Bayombong, Nueva Vizcaya, kasunod ng pagpapalaya ng mga biktima.

Kung saan nauna rito, tatlong karagdagang suspek ang nahuli sa Baguio City Benguet Province noong Enero 23, 2025.

Iminungkahi naman sa inisyal na ulat na walang ransom ang binayaran para sa pagpapalaya ng mga biktima. Gayunpaman, ang mga kalagayan ng kanilang paglaya ay nananatiling nasa ilalim ng pagsisiyasat, kung saan ang mga awtoridad ay patuloy ang pagsisikap upang matukoy kung ito ay resulta ng direktang interbensyon ng AKG o iba pang mga kadahilanan.