Aprubado na ang ordinansa na magpapataw ng multa sa mga mahuhuling hindi nagsusuot ng facemask at faceshield sa pampublikong lugar sa bayan ng Manaoag.
Ayon kay P/Major. Herminio Olivares, Officer in Charge COP ng Manaoag PS, hindi na lamang sila maninita kundi titikitan na rin ang mga lalabag sa naturang ordinansa kung saan P300 ang multa para sa first offense, P500 sa second offense habang P1,000 naman para sa third offense.
Sa ngayon, nasa proseso pa ng malawakang information dessimination bago maimplementa ang ordinansa upang maabisuhan ang kanilang mga kababayan sa pamamagitan ng mga barangay officials na magpapakalap sa bagong ipapatupad na ordinansa, pagpost sa socmed, at pagpapaskil din ng mga tarpaulin kung saan nakapaloob ang mga penalties sa paglabag sa health protocols.
Sa kasalukuyan, bumaba na rin ang kaso ng covid19 sa bayan na mayroon na lamang tatlong aktibong kaso ng covid19 kung kayat hinimok ng hepe ang kababayan na makiisa at magkaroon ng disiplina para mapanatili ang mababang kaso ng covid19 sa bayan.
Matatandaang, inanunsyo ng DILG na ang lahat ng LGUs ay dapat magpasa ng ordinansang magpaparusa sa mga lalabag sa health protocols kung saan saklaw dito ang mga biyahero kasunod ng inilabas na bagong alituntunin ng pamahalaan na hindi na kailangang magpakita ng travel authority at medical certificate ang mga biyahero.
Samantala, naglabas ng bagong panuntunan sa pagbiyahe ang nasambit na bayan sa ilalim ng inilabas na EO No.7 series of 2021, para sa mga returning residents ukol sa kanilang susunding mga protocols sa naturang bayan.
Ani Olivares,hindi mandatory ang covid testing kailangan lamang magpakita ng proof of residence sa kani-kaniyang Barangay Halls.
Hindi na rin kailangang sumailalim sa quarantine maliban na lamang kung nagpapakita ng sintomas at inaabisuhan na magreport sa kanilang Barangay Hall para sa dokumentasyon.
Para naman sa mga turista, alinsunod sa Pangasinan Provincial Executive Order 0018-2021 section 1 no. 3, pinapayagan lamang makapasok sa bayan ang mga turista na magmumula sa mga lugar na may parehong quarantine classification gaya ng Lalawigan ng Pangasinan na nasa Modified General Community Quarantine.
Dagdag pa ni Olivares, hindi na rin kailangang sumailalim sa quarantine at covid testing ang mga ito subalit kailangang magparehistro sa PANGASINAN TARA NA stations.
Samantala, dapat pa ring sumailalim sa mga umiiral na mga protokol na inilatag ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang mga returning Overseas Filipino Workers at Foreign nationals.