DAGUPAN CITY– Aminado si National Security Adviser Hermogenes Esperon Jr na mahihirapan sila sa muling pag-aresto sa 1,700 kriminal na pinalaya ng BuCor simula 2014 sa pamamagitan ng kontrobersiyal na good conduct time allowance (GCTA) law matapos itong ipag-utos ng pangulong Rodrigo Duterte.

Sa esklusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Esperon sinabi nito na bagamat magtutulong tulong ang mga law enforcement agency kabilang na ang National Bureau of Investigation, Philippine National Police maging ang Intelligence ay maari pa rin silang mahirapan.

Posible aniya na nagpalipat-lipat na ng lugar ang mga naunang napalaya dahil sa GCTA lalo na yaong may kakayahan na magtungo ng ibang bansa.

--Ads--

Sa kabila nito naniniwala naman si Esperon na kalahati sa mga ito ay buluntaryong susuko dahil maari pa namang mare-compute ang kanilang GCTA.

Nauna rito sinabi ni PNP chief, Gen. Oscar Albayalde na ituturing nilang mga fugitive o takas na preso ang mga inmates na nakalaya dahil sa GCTA kapag napatunayang may iregularidad sa implementasyon.

Nagkaroon rin ng sanib-pwersa sa pagitan ng DILG at DOJ para sa joint review sa Implementing Rules and Regulations (IRR) at sa Uniform Policy and Guidelines on the computation of credits and allowances provided under Republic Act No. 10592.