Inaasahang bababa ang maximum suggested retail price (MSRP) para sa imported na bigas sa P49 kada kilo simula sa Sabado, Marso 1.

Ito ang unang pagkakataon magmula nang magpatupad ng MSRP, anim na linggo na ang nakalilipas, na itinakda ito sa mas mababa sa P50 mark.

Gayunman, nilinaw ni Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr. na ang MSRP ay hindi ipatutupad sa buong bansa.

--Ads--

Ang pagpapatupad ng MSRP ay inilarawan ng DA na isang ‘non-coercive measure’ na naglalayong mapababa ang retail prices ng imported na bigas sa harap ng matatag na pagbaba sa world market prices at sa desisyon ni Presidente Ferdinand Marcos Jr. na ibaba ang rice tariffs mula 35 percent sa 15 percent, epektibo noong nakaraang Hulyo.

Unang pinatupad ng DA ang MSRP noong Enero 20 sa presyong P58 per kilo.

Pangatlong beses nang ibaba ng DA ang MSRP sa Marso 1.

Mula sa P58 per kilo, binaba na ito sa P55 per kilo noong Pebrero 5 at muli sa P52 per kilo noong Pebrero 15.