Dagupan City – Idinaos ang 3rd Quarter Joint Meeting ng Municipal Peace and Order Council (MPOC) at Municipal Anti-Drug Abuse Council (MADAC) sa Municipal Conference Room ng Binmaley Presidencia upang talakayin ang mga usapin at hakbang para sa pagpapanatili ng kapayapaan, kaayusan at kaligtasan sa bayan.
Pinangunahan ni Mayor Pedro A. Merrera III, Punong Bayan at MPOC-MADAC Chairperson, ang pagpupulong kung saan tinalakay ang ulat sa pangkalahatang peace and order situation at crime statistics ng Binmaley.
Kabilang din sa mga natalakay ang konsolidadong ulat mula sa mga Barangay Anti-Drug Abuse Council (BADAC) at mga update ng Municipal Health Office (MHO) hinggil sa rehabilitation at counseling programs para sa mga indibidwal na nangangailangan ng intervention.
Inilahad naman ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) ang monitoring report para sa mga after-care at intervention programs, habang naglatag ang Public Employment Service Office (PESO) ng mga panukalang programang pangkabuhayan at reintegration upang makatulong sa mga benepisyaryo sa kanilang pagbabalik sa produktibong pamumuhay.
Tinalakay rin ng mga miyembro ang deliberasyon kaugnay ng deklarasyon ng Binmaley bilang State of Stable Internal Peace and Security (SSIPS), gayundin ang pagpapatibay ng mga kaukulang resolusyon ng MPOC.
Layunin ng joint meeting na mapalakas ang koordinasyon ng iba’t ibang tanggapan, katuwang na ahensya at mga barangay sa pagtugon sa mga usaping may kaugnayan sa peace and order, illegal drugs, social intervention at community safety.
Sa pamamagitan ng tuloy-tuloy na pagtutulungan ng lokal na pamahalaan at mga katuwang na sektor, patuloy na isinusulong ng Binmaley ang mga programa at hakbang para sa isang ligtas, mapayapa, maayos at maunlad na pamayanan.










