Dagupan City – Nadamay ang isang motorsiklo matapos mangyari ang sunog sa isang establisyemento sa bayan ng Bayambang.

Ang sunog ay gad namang naapula bago pa makaapekto sa loob ng establisyemento.

Ayon kay Finsp Joy Carol Panchal, Acting Municipal Fire Marshal ng BFP Bayambang, natanggap ng kanilang himpilan ang ulat pasado alas-singko ng madaling araw at agad naman nirespondehan gamit ang dalawang firetruck.

--Ads--

Idineklarang fire out pagdating pa lamang ng kanilang team dahil itinuring naman na manageable ang apoy.

Sa isinagawang inisyal na imbestigasyon, natuklasan na ang motorsiklo ng duty security guard ay nagliyab habang nakaparada malapit sa guard station.

Napuruhan umano ito dahil sa presensiya ng gasoline fuel.

Kasama ring natupok ang isang maliit na tarpaulin at isang wooden table sa paligid. Nabasag din ang glass door bunsod ng init mula sa apoy.

Gayunman, hindi naapektuhan ang mga paninda sa loob ng hardware.

Habang, lahat ng pertinent documents at identification cards ng security guard, na isang 53-anyos na residente sa bayan ng Bautista, ay nasunog dahil nakalagay ang mga ito sa utility box ng motorsiklo.

Wala namang naitalang injured o casualty sa insidente dahil wala sa puwesto ang guard at umano’y nagroroving nang mangyari ang sunog.

Tinatayang nasa ₱80,000 ang inisyal na halaga ng pinsala habang nagpapatuloy ang imbestigasyon ng BFP.

Isa sa mga tinitingnang posibleng sanhi ay ang naiwang naka-charge na cellphone ng security guard sa guard station.

Nagpaalala rin ang BFP sa publiko na huwag mag-iwan ng cellphone na nakasaksak, tiyaking gumagamit ng compatible o original chargers, at laging suriin ang mga electrical devices upang maiwasan ang ganitong insidente.