Tinawag na malaking kalokohan ni Nelson Pedroso , Chairman ng Nakedwolves Pangasinan Chapter ang magiging disenyo ng motor ng papayagang mag-angkas kasama ang asawa.
Sa ekslusibong panayam ng bombo radyo dagupan kay Pedroso, giit nito na unsafe at maaaring pagmulan pa ng aksidente dahil hindi makahawak ang backrider dahil sa barrier.
Napaka-delikado aniya ang nasabing design dahil kapag salubong ang hangin ay may posibilidad na gigiwang ang sasakyan.
Iminungkahi niya na mas maiging magsuot ng kumpletong protective shield o PPE sa pagitan ng mag-asawa para makahawak ang backride.
Matatandaan na pinagbawalang umangkas sa motorsiklo ang mga tao buhat ng coronavirus disease (COVID-19) pandemic.
Pero pinayagan na ngayon ng Inter-Agency Task Force Against COVID-19 ang paggamit ng motorsiklo para sa mga mag-asawa bilang backrider. Itoy tugon sa kahilingan ng marami na maihatid ang kanilang asawa sa trabaho, grocery o iba pang lugar na pangunahing kailangan ng kanilang pamilya.
Pero may tagubilin ang IATF para sa paglalagay ng pangharang, hawakan, paggamit ng face shield, face mask at ang regular na motor rider protection, tulad ng helmet at iba pang gear.
Dagdag pa rito, kailangan ding magpresenta ng kaukulang mga dokumento gaya na lamang ng ID, o photocopy ng marriage certificate ang mga mag-asawa.