Kasalukuyan pa ring inaalam ng Mangaldan Police Station kung ano ang naging motibo ng suspek sa pamamaril sa 43 anyos na Kagawad na si Romeo “Pudong” Del Campo ng brgy Guilig, sa bayan ng Mangaldan.

Isinalaysay ni Irene De Guzman, ang kinakasama ng biktima na galing sila sa isang lamay kagabi nang dumaan sila sa isang convenience store bago sana umuwi ng kanilang tahanan sakay ang kotse na minamaneho ng kapatid ng biktima.

Habang nakahinto, napansin umano nila ang isang lalaking nagmamaneho ng motosiklo sa gilid ng kanilang sasakyan at pinaputukan ng baril si Del Campo sa pisngi nito na tumagos sa kabila, sanhi ng kaniyang agarang pagkamatay.

--Ads--

Agad namang umaksyon ang kapatid ng biktima at hinabol ang motorsiklo upang sagasaan.

Matapos nito ay agad silang tumawag ng pulis at dito na nahuli ang suspek na nanlaban pa kaya’t napilitan ang mga otoridad na barilin ito sa kaniyang paa.

Hinala naman ng pamilya ni Del Campo na inggit ang dahilan kung bakit ito binaril ng suspek na umano’y dayo lamang sa kanilang lugar at nakainuman pa umano ni Del Campo bago ang bagong taon.

Si Del Campo ang unang kagawad ng brgy. Guilig at nasa pangalawang termino na ito sa kaniyang pwesto.

Dalawang linggo umanong lalamayan ang labi nito dahil hihintayin pa ang iba pang mga kamag-anak nito mula sa syudad ng Maynila at ang unang pamilya nito na magmumula pa sa Ilo Ilo.

Samantala, kasalukuyan namang nagpapagaling sa pagamutan ang suspek dahil tinamo nitong tama ng baril sa kaniyang paa.