Dagupan City – Ipinaliwanag ng Pangasinan Provincial Cyber Response Team ang modus na “love scam” lalo na ngayong buwan ng mga puso.
Ayon kay PCMS Archimedes Fernandez, Chief Clerk ng Pangasinan Provincial Cyber Response Team ito ang panibagong umuusbong ngayon kung saan ay karaniwang target na biktima ng mga mapagsamantalang indibidwal ay ang mga nasa edad 50 pataas o senior citizen.
Aniya, kadalasang ginagamit naman na mga ito ay ang social media sites. Pagpapaliwanag pa ni Fernandez, ang teknika ng mga matatawag na sindikato ay kinukuha muna ang loob ng kanilang mga nakaka-chat pagkatapos ay aalukin na ang mga ito na mag-invest sa isang cryptocurrency kapalit ng alok na kikita ang mga ito ng malaking halaga.
At kapag nakuha na ng mga sindikato ang pera na ininvest ng kanilang nakaka-usap online, bigla na lamang maglalaho ang account na kanilang ginawa o ang tinatawag na “ghosting”.
Sa katunayan aniya, ang pinakamalaking naitala dito sa lalawigan ay nasa tinatayang P3Milyon investment.
Samantala, kung mahuli man ang mga sindikato ay haharap naman ang mga ito sa kasong paglabag sa Article 315 of the RPC (Swindling/Estafa) in relation to Sec. 6 of RA 10175 o mas kilala sa Cybercrime Prevention Act of 2012.