DAGUPAN CITY–Modular learning ang gagamiting school modality para sa mag-aaral ng elementarya sa lungsod ng Dagupan.
Ito ang inihayag ni Dr. Maria Celia Junio-Fernandez, Superintendent ng DepEd Dagupan sa naging panayam sakaniya ng Bombo Radyo Dagupan.
Aniya, dahil sa kanilang ginawang mga try-out ay kanilang nakita na hindi umano nila kayang i-sustain ang pure online delivery.
Kaya’t kalakip ng modular instruction ay ang multi-media assessment.
Gagamitin din aniya ang radyo, cellphone, internet at iba pa upang kanila pang mapaigi ang pagpapanatili at pagsisiguro ng kalidad ng kanilang modular instruction delivery.
Samantala , sa kada isang module ay dalawang mag-aaral ang gagamit nito sa lungsod ng Dagupan.
Ayon kay Fernandez na mayroong tatlong scheme distribution ng modules ang kanilang pinag-aaralan kung alin ang magiging mas epektibo sa lungsod.
Una, dalawang grupo ng mag-aaral ang magpapalitan ng magkaibang modules sa kalagitnaan ng linggo.
Ikalawa, kada dalawang linggo magpapalitan ng tig-dalawang magkakaibang modules ang dalawang grupo ng mga mag-aaral.
Ikatlo, kada apat na linggo magpapalitan ang dalawang grupo ng tig-apat rin na magkakaibang modules na siyang sasakop sa buong isang quarter ng pasukan.
Kaugnay nito, nasa 80%-90% na umano ang bilang ng mga enrollees sa siyudad na siyang patuloy pang tumataas.