Dagupan City – Mga kabombo! Pamilyar ba kayo sa kwento ni Noah mula sa bibliya?
Kung may mangyari itong muli at pasasakayin kayo sa barko, sasama ba kayo?
Ito kasi ang kwento ngayon at pinaniniwalaan ng self-proclaimed prophet sa Western Africa.
Kung saan ay gumagawa ito ng dambuhalang wooden arks bilang paghahanda umano sa isang malaking baha na magsisimula raw umano sa Araw ng Pasko.
Ayon kay Ebo Noah, inutusan siya mismo ng Diyos na sagipin ang sangkatauhan at mga hayop mula sa parating na delubyo na tatagal daw ng tatlong taon na magpapalubog sa buong mundo.
Dahil dito, nag-umpisa si Ebo mula pa noong Agosto at ibinida pa niya sa kanyang mga video na kusa raw lumalapit sa construction site ang mga hayop tulad ng kambing at ibon dahil sa “divine instruction.”
Ipinagmamalaki rin niyang kasya ang hanggang 600 milyong tao sa kanyang mga itinatayong barko.
Sa kabila nito, marami naman ang bumabatikos at ginagawa siyang katatawanan.
Sa mga video, mapapansing mukhang simpleng bangkang kahoy lang ang mga ito na malabong maglulan ng milyun-milyon.
May mga netizen pang nagbibiro at nagtatanong kung may Wi-Fi ba sa loob nito o kung pwede bang magbayad gamit ang credit card at payment apps.
Sagot naman ni Ebo Noah, tinawanan din noon ang orihinal na Noah sa Bibliya kaya hindi siya natitinag sa bashers.
Dahil sa kaniyang viral videos sa social media, maraming misteryo ang bumabalot sa kanyang pagkatao.
Walang mainstream media sa Ghana ang makatukoy ng kanyang tunay na pangalan at lokasyon.
Dahil dito, lumalakas ang hinala ng ilan na baka AI-generated o gawa-gawa lang ng artificial intelligence ang kanyang mga video at karakter para magpapansin at manloko online.










