DAGUPAN CITY- Nagsagawa ng seminar sa mga enforcer at iba pang sektor sa bayan ng Calasiao ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na may temang Proactive Approach to Traffic bilang bahagi ng pagtugon sa mas maayos at episyenteng pamamahala ng trapiko at transportasyon.
Nagsimula noong Lunes, Agosto 25, ang aktibidad na pinangunahan ng Public Order and Safety Office (POSO) sa pamumuno ni POSO Chief Rollie Dela Cruz.
Kabilang sa mga kalahok ang mga opisyal ng POSO, miyembro ng transport groups gaya ng TODA, at ilang negosyanteng may establisimyento sa bayan.
Ayon kay Maximo Tapongot, Traffic Aide III mula sa MMDA at isa sa mga tagapagsalita, mahalaga ang ganitong pagsasanay upang mapalakas ang hanay ng mga enforcer at maturuan sila ng pinakabagong kaalaman ukol sa batas-trapiko.
Kabilang sa mga tinalakay ang overview of traffic management, Republic Act 4136 o Land Transportation and Traffic Code, mga pangunahing konsepto ng traffic management, international traffic signs, pavement markings, at iba pa.
Aniya na inamin ng ilang kalahok na bago sa kanila ang ilang paksa, ngunit nagbago ang kanilang pananaw matapos sumailalim sa aktwal na pagsubok sa kalsada.
Layunin din ng seminar na mapataas ang kumpiyansa ng mga POSO enforcers lalo na’t iba-iba ang ugali at diskarte ng mga motorista sa lansangan.
Sa kanilang pag-iikot, napansin ng mga tagapagsanay ang ilang maling gawi gaya ng pagparada ng mga tricycle na nakakasikip sa daan at paggamit ng bahagi ng kalsada para sa kagamitan ng ilang establisimyento.