Sinimulan nang talakayin ngayong Miyerkules, Hulyo 29, ang misuse of confidential funds charges laban kay Vice President Sara Duterte sa pagpapatuloy ng kaniyang impeachment trial.
Ang naturang alegasyon ay nakapaloob sa Artikulo I ng Articles of Impeachment. Dito, inakusahan ang Bise Presidente ng maling paggamit at umano’y paglustay sa ₱612.5 milyong confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) at ng Department of Education (DepEd) noong siya pa ang kalihim nito.
Tumatayong lead House prosecutor para sa artikulong ito si Manila Representative Joel Chua.
Bago ipresenta ng prosekusyon ang kanilang unang testigo para sa naturang artikulo, pinayagan ni Trial Presiding Officer at Senate President Francis “Chiz” Escudero si House Prosecutor Leila de Lima na maglahad ng kaniyang opening statement.
Gayunpaman, mariing pinaalalahanan ni Escudero si De Lima na iwasan ang mga “conclusion of facts and law.” Binigyang-diin ni Escudero na ito ang naunang napagkasunduan ng depensa at prosekusyon sa mga nagdaang hearing, na ipinunto rin ng mga senator-judge.
Habang naglalahad, pormal na naghain ng pagtutol o objection si Atty. Michael Poa, ang counsel para sa depensa, laban sa mga pahayag ni De Lima.
Dahil dito, muling pinagsabihan ni Escudero ang House prosecutor na limitahan ang kaniyang salaysay. Pinuna ng Presiding Officer ang aniya’y “conclusions of law” sa talumpati ni De Lima at iniutos na burahin ito sa opisyal na rekord ng korte.
Subalit, ikinatwiran ng depensa na narinig na ng publiko ang mga naturang pahayag kahit pa tanggalin ito sa rekord.
“So to allow your honors, again, ah, a continuation of such is really goes into the matter of fair play your honor,” giit ni Atty. Poa.
Sa huli, tuluyan nang pinatigil ni Escudero ang opening statement ni De Lima, na agad namang sinunod ng panig ng prosecutor.










