DAGUPAN CITY- Nagsagawa ng backtracking ang Sison Police Station at si Sherra De Juan, kasama ang kanyang pamilya at isang miyembro ng Quezon City Police District o QCPD bilang bahagi ng imbestigasyon at alamin ang tunay na pangyayari sa pagkawala nito.
Ayon sa impormasyon na nakalap ng Bombo Radyo Dagupan, pinuntahan muna nila ang mga lugar na pinanggalingan ni Sherra, partikular sa Damortis at Mangaldan, bilang bahagi ng patuloy na pagberipika at dokumentasyon ng mga detalye sa kanyang pagkawala.
Sa kasalukuyan, hindi pa tiyak kung babalik pa dito sa Sison Police Station si Sherra at ang kanyang pamilya.
Gayunman, may mga naiwan pang miyembro ng QCPD sa himpilan ng Sison PS, na patuloy na nakikipag-ugnayan sa lokal na pulisya para sa koordinasyon ng kaso.
Ayon naman sa pulisya, natagpuan si Sherra De Juan sa Barangay Esperanza, sa may bypass road sa nasabing lugar.
Hindi na muna nagbigay ng karagdagang detalye ang mga awtoridad hinggil sa kalagayan ni Sherra nang matagpuan siya, dahil patuloy pa rin ang isinasagawang debriefing at imbestigasyon.
Samantala, tumanggi munang magbigay ng pahayag ang Chief of Police ng Sison Police Station na si Police Major Jervel Rillorta.
Ayon sa pulisya, bukas na lamang magbibigay ng opisyal na panayam ang kanilang hanay upang mailahad ang kabuuan at mas malinaw na detalye ng insidente.
Sa ngayon, binibigyang-diin ng mga awtoridad na prayoridad ang kaligtasan, kapakanan, at privacy ng biktima at ng kanyang pamilya habang isinasagawa ang mga kinakailangang proseso.
Patuloy naming babantayan ang mga susunod na developments sa kasong ito at maghahatid ng karagdagang impormasyon sa oras na maglabas ng opisyal na pahayag ang pulisya.









