Muling naitala ang minor strombolian activity at lava effusion mula sa bunganga ng Bulkang Mayon nitong Huwebes ng gabi, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).
Naganap ang naturang aktibidad mula 7:28 p.m. hanggang 7:31 p.m. noong Hulyo 2, 2026.
Ayon sa ahensya, nagpapatuloy na sa ika-178 magkakasunod na araw ang effusive eruption ng Bulkang Mayon na nagdudulot ng pagdaloy ng nagbabagang lava, pyroclastic density currents (PDCs) o “uson,” at mga pagguho ng bato.
Nanatiling nakataas ang Alert Level 3 sa Bulkang Mayon, na nangangahulugang may mataas na antas ng pag-aalboroto ang bulkan at nananatiling posible ang mga mapanganib na aktibidad.
Dahil dito, muling pinaalalahanan ng PHIVOLCS ang publiko na mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok sa loob ng anim na kilometrong Permanent Danger Zone (PDZ) upang maiwasan ang panganib dulot ng patuloy na aktibidad ng bulkan.










