DAGUPAN CITY- Pinangunahan ng Mines and Geosciences Bureau (MGB) Region 1 ang pagpapatupad ng mga inisyatibang naglalayong protektahan ang kalikasan, kabilang na ang kampanya kontra plastic pollution at pagtukoy sa mga lugar na delikado sa kalamidad.

Binuksan ng opisina ang kanilang programa kaugnay sa temang “End Plastic Pollution,” kasunod ng paglulunsad noong nakaraang taon ng proyektong “Plastically Casa” na layong hikayatin ang mga mining companies sa rehiyon na i-recycle ang kanilang mga plastic waste, bawasan ang paggamit ng plastic, at iwasan ang iba pang aktibidad na nakadaragdag sa plastic pollution.

Ayon kay Engr. Carlos A. Tayag, Director ng MGB Region 1, nagsimula ang inisyatiba sa mismong mga kumpanya at kasalukuyang isinasagawa sa pakikipag-ugnayan ng ahensya sa iba’t ibang stakeholders sa sektor ng pagmimina.

--Ads--

Ipinagpatuloy ng MGB Region 1 ang kanilang masusing monitoring sa mga mining companies upang matiyak ang pagsunod sa mga alituntunin ng Philippine Mining Act of 1995.

Kabilang dito ang regular na geohazard at vulnerability risk assessments (VRA) sa mga munisipalidad, kung saan tinutukoy ang mga lugar na posibleng tamaan ng landslide at pagbaha.

Sa kasalukuyan, nasa 74% na ng rehiyon ang natapos sa ilalim ng VRA, at nakaabot na sa mga lokal na pamahalaan ang resulta ng mga pagsusuri.

Pinalalakas din ng ahensya ang kanilang water assessment sa harap ng mataas na antas ng kakulangan sa tubig sa Region 1.

Nagbibigay ang MGB ng datos tungkol sa mga posibleng mapagkukunan ng groundwater upang makatulong sa mga LGU sa pagtugon sa water scarcity.

Samantala, tumaas ang aplikasyon para sa dredging activities sa rehiyon, ngunit sa ngayon ay isang kumpanya pa lamang ang aktibong nagsasagawa nito.

Binibigyang-diin ng MGB na ang dredging ay mahalaga upang maiwasan ang pagbaha sa mga river systems, lalo na sa panahon ng malalakas na pag-ulan.

Sa kabuuan, nananatiling aktibo ang MGB Region 1 sa pagsusulong ng mga programang naglalayong protektahan hindi lamang ang kalikasan kundi pati na rin ang mga komunidad sa rehiyon laban sa mga banta ng kalamidad.