Iginiit ng Migrante Philippines, na nananatiling mabagal ang tugon ng pamahalaan sa lumalalang sitwasyon ng mga overseas Filipino worker (OFW) sa Middle East, sa kabila ng nagpapatuloy na tensyon at kaguluhan sa rehiyon.

Ayon Criselda Pacis Fiel — Chairperson, Migrante Philippines, mahigit 2.4 milyong OFWs ang kasalukuyang nasa Middle East, subalit tinatayang nasa 4,241 pa lamang ang naiuuwi ng pamahalaan mula nang sumiklab ang kaguluhan.

Hindi pa umano kabilang sa bilang na ito ang mga undocumented workers at seafarers na naapektuhan ng pagsasara ng Strait of Hormuz.

--Ads--

Binanggit din niya ang pagkamatay ng isang Pilipina noong Abril 5, na iniuugnay sa tumitinding sigalot sa pagitan ng Estados Unidos, Israel, at Iran.

Dahil dito, nanawagan ang Migrante Philippines na itigil ang anila’y agresyon sa rehiyon upang maiwasan ang dagdag pang panganib sa mga OFW.

Giit ni Fiel, kinakailangan ang agarang aksyon mula sa pamahalaan, kabilang ang mas mabilis na repatriation para sa mga distressed OFWs. Aniya, marami sa mga Pilipino sa abroad ang natatakot sa patuloy na pambobomba at kaguluhan, at nais nang makauwi sa bansa.

Iminungkahi rin ng grupo ang pansamantalang pagpapatupad ng deployment ban sa Middle East upang maiwasan ang paglalagay sa panganib ng mga bagong OFWs, lalo na ang mga first-time workers na walang karanasan sa ganitong sitwasyon.

Isa rin sa mga isyung binigyang-diin ay ang mabagal at komplikadong proseso sa pagkuha ng tulong mula sa pamahalaan. Ayon kay Fiel, nahihirapan ang mga OFW na makuha ang kanilang benepisyo dahil sa dami ng requirements, lalo na ang mga walang kumpletong dokumento.

Nanawagan ang grupo na gawing mas mabilis at mas simple ang proseso ng pagkuha ng assistance, lalo na para sa mga distressed workers at biktima ng karahasan.