DAGUPAN CITY — Sinariwa ni Migrante International Vice Chairperson Man Hernando ang mga nagawa ni Joma Sison nang ito ay nabubuhay pa.
Sa panayam sa kanya ng Bombo Radyo Dagupan, ibinahagi nito ang ginawang pagsulong ni Sison sa usapang pangkapayapaan at pagnanais nitong resolbahin ang suliranin at ugat ng armed conflict sa Pilipinas simula nang bumagsak ang diktatorya ng dating Pangulong Ferdinand E. Marcos, Sr.
Dagdag pa ni Hernando na naging bahagi rin si Sison ng peace negotiation sa pagitan ng gobyerno sa ilalim ng administrasyong Aquino at ng National Democratic Front.
Maliban dito ay napilitan din umano itong tumuloy at manirahan sa ibang bansa nang kanselahin ang Visa at ipagsawalang-bisa ang pasaporte nito habang siya ay nagtuturo sa Netherlands. Ihinalintulad naman ito ni Hernando sa mga karanasan ng mga Overseas Filipino Workers na napipilitan lamang na mangibang-bansa sapagkat wala sila umanong pagkakataon na mabuhay sa sariling bansa ng marangal.
Dito na umano nagkaroon ng pagkakataon si Sison na suriin ang karanasan at kalagayan ng mga migranteng Pilipino na nakikipagsapalaran sa ibang bansa kung saan ay inilarawan naman nito ang kanyang pagsali sa mga aktibidad at iba’t ibang pagkilos gaya na lamang ng International League of People’s Struggle, Commission 15 na pinangungunahan ang laban ng migrants, diaspora, at political refugees sa buong daigdig, bilang “monumental”.
Sinabi pa ni Hernando na naging malaki rin ang papel ni Sison sa pagbuo ng International Migrants Alliance — isang pandaigdigang mamamayan na isinusulong ang karapatan ng mga migrante, diaspora, at political refugees tulad niya.