Dagupan City – Nanawagan ang Migrante International sa pamahalaan na bigyang prayoridad at direktang apela na makalaya na si Overseas Filipino Worker (OFW) Mary Jane Veloso kaugnay sa pagdating sa bansa ni Indonesian President Joko Widodo.
Ayon kay Joanna Concepcion, Chairperson ng naturang samahan, pagkakataon na ito ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr., upang personal na makiusap kay Widodo at sabihin ang matagal nang panawagan ng bansa na palayain na si Mary Jane – na matatandaang may death row noon pang 2010 sa naturang bansa.
Aniya, hindi rin nawawalan ng pag-asa ang pamilya nito, at sa katunayan aniya ay nakatakdang mag-abot ang kaniyang mga anak ng personal na sulat para sa pangulo ng Indonesia.
Binigyang diin naman ni Conception na maituturing na biktima lamang si Mary Jane ng human trafficking, kung kaya’t nararapat lamang na maipagkaloob na sa kaniya ang kalayaang matagal na nitong hinihiling.